Friday, January 11, 2013

Toma at Tomi




Toma at Tomi
Ni:
Virgilio F. De leon Jr.

Natatandaan ko pa noong buo pa tayo. Magkakasama , Masaya kahit Toma at Tomi lang ang pinagsasaluhan. Naalala ko kung magpatugtog tayo eh para tayong nasa gitna ng kawalan imbes na nasa kalagitnaan ng mga tahimik na mga dormitory. Kapag may nagrereklamo eh nakikipagmurahan din tayo sa kanila. Oo nga naman , ano ba ang pakialam natin kung finals week na bukas at naghahabol sila ng grades.Kasalanan ba natin kung di tayo matinong mga katabi pero ok naman ang grades natin? Basta mayroong toma at tomi masaya na tayo.

Naalala ko si Chloe  , parang lalaki nung una nating nakasama , maganda ang mukha  , pang modelo , kaya nga lang kalbo at mas siga pa dun sa mga taga kanto pero nung nakilala si Julio aba eh lumantad din ang totoo. May pamini-mini skirt pa at nagpahaba na ng buhok. Sa tambayan sila unang nagkakakilala at pagkatapos ng 3 buwan sa tambayan din nagcelebrate. Sila ang taya sa Toma at Tomi.

Naaalala ko noong inatake na naman si Gina ng epilepsy niya habang shot na niya.Sa sobrang pino niya kumilos hindi tayo makapaniwala na kaya pala niyang magkikisay ng ganun sa sahig. Sira ang poise niya. Wala tayong magawa. Lahat tayo eh bagsak na sa kalasingan. Hinang hina para bumangon. Buti na lang dumating si Daddy Dan. Hindi natin siya kamukha o kaano ano pero dahil mukha siyang tatay ay tinawag natin siyang Daddy.  Kung hindi siya dumating at dinala si Gina malamang na…ayokong sabihin ang salitang yun.Nabuhay naman si Gina at sa mga sumunod na tambay eh siya ang nagdala ng Toma at Tomi.

Naalala ko si Aaron , galit sa mundo , galit sa lahat pero pag humawak ng gitara at kumanta na eh nakakapagyanig ng mundo mo. Sa mala anghel niyang boses at imahen eh parang wala siyang malalaking hinanakit. Yun ang tunay niyang ang anyo , ang purong kagandahan ng pagawit.  Ang lagi nating inaalalayan dahil ilang beses nang magbigti o maglaslas ay tunay na anghel sa lupa ngunit walang kumikilala dahil walang nakakarinig sa kanya. Tayo lang. kasama ang Toma at Tomi.

Naaalala ko pa noong akala ko eh magkakawatak watak na tayo. Nagiiyakan , nagsisigawan , nagbibintangan ng kung ano-ano na hindi natin alam kung saan nakuha. Mayroong nagwalk out at mayroong natulala , hindi halos makapaniwala na ganito matatapos ang mahigit na tatlong taon na samahan. Pero naayos naman nating lahat nung huli , nangakong di na iinom para hindi na magaway.

Kinabukasan eh may Toma at Tomi na naman.

Naalala ko pa noon ng grumadweyt si Daddy Dan , Masaya noon , Toma at  Tomi lang din ang handa di ko alam kung bakit di mawala wala. Nung gabi ring iyon sinabi ni Gina na papunta na siya ng States para magpagamot at kayong mga natira eh lumipat na sa Main. At ako , ako na nakakaalala sa lahat ng magagandang bagay na nangyari sa atin ay hindi na naalala. Mag-isa kasama ang Toma at Tomi na dati nating pinagsasaluhan. 

Writers Note: Isang istorya na isang barkada na andun lang. Andiyan pa din.



No comments:

Post a Comment