Tuesday, December 31, 2019

"Bukas na lang ulit."


"Bukas na lang ulit."
Ni:
Virgilio F. De leon Jr.MD

Minsan naiisip ko. Nakakatawa itong ginagawa ko sa sarili ko eh. Nakaupo ako dito na parang tanga. Nagaabang sa isang tao na malay ko ba kung kailan uuwi. May tawag daw sa ganito. Kapag pangit stalker , kapag guwapo , Matiyaga. Di ko lang sigurado kung ano ako dun sa dalawa. Kung dumaan yung taong yun sana eh matanong ko din sa kanya.

"Alam mo iho naawa ako sa iyo kaya papayuhan na lang kita ha. 3 ang labasan ni July galing sa klase niya. Kadalasan naglalakad lang iyon kasama ang mga kaibigan niya. Mga 4:30 andiyan na yun."

Napatingin ako sa Ale dun sa tindahan. "Salamat po. Di po si July ang iniintay ko. Yung kaibigan po niya si June."

"Si June? Aba eh wala ka rin palang taste sa babae ano iho?" Ang sabi nung ale at lumabas ng tindahan para lalo akong kausapin."

Nakinig naman ako kasi ok na din yun na pampalipas oras habang iniintay ko si June.

"Ganito yan iho , Si July , matangkad , mapayat , mestiza , mayaman na pamilya. Minsan nga lang may pagkatanga pero sa mga nakikita ko gusto niyo naman ng ganun di ba?"

"Kaya nga po si June yung iniintay ko." Di ko masabi na iniintay ko si June kasi pinapasingil nung tatay ko yung utang ng nanay niya. 

"Kung sabagay chinita na yata ang gusto ngayon ng mga bata. Maliit , Chinita , may braces na medyo mataba. Ayaw niyo na yung mala diyosa ano? yung gusto niyo eh yung malapit sa mga mortal?"

"Parang ganun na nga po." Napilitan akong sumagot kahit na ayaw ko  , parang bastos naman kasi kung hindi. Desidido kasi si Nanay na malaman kung bakit araw araw akong nagaabang dito sa tindahan niya.


Pakiramdam ko hihirit pa sana siya kaso lang narinig ko na yung tawa ni June. Yung mataas na tawa niya na simula bata pa ako eh parang blackboard na ginagasgas ng kuko sa kapangitan. Pero ngayon eh senyales na makakauwi na din ako sa wakas.

"Sige po Nanay. Andiyan na sila."

Nilagay ni Nanay ang kamay niya sa balikat ko. "Wag kang tanga. Piliin mo yung isa."

Tumango na lang ako. Kunyari pipili nga ako.

"Hi! Iniintay mo ba ako?" Ito si July. Nung mga panahong nagsabog ang Diyos ng bango sa daigdig malaking porsyento ang nasalo niya. Kung may naiisip kang tao na mabango mula ulo hanggang talampakan , Si July yun."

"July, Alam mo naman siguro kung sino ang iniintay niya talaga. Ito. Bukas na lang daw ulit sabi ni Mama."Sabay abot ng sobre ng utang ng Mama niya. Ito si June. Di kagandahan sa normal na paraan. Maliit , at lalong pang nagmukhang maliit katabi ng matangkad niyang kaibigan. Morena pero nagmumukhang maitim sa tabi ni July. Ang lamang niya sa kaibigan niya? Siya ang pinakamatalino sa klase at parang sinapuso niya ang Nerd guide ,May braces na parang riles ng tren at may makakapal na salamin at bag na punong puno ng libro na parang nagpapakuba sa kanya habang naglalakad.


Malaki ang utang ng Mama niya sa Tatay ko. Di ko na masyadong tinatanong kung bakit pero nung buhay pa yung tatay niya madalas sila sa bahay namin. Kaya nga sanay na yung tenga ko sa nakakabutas tenga niyang tawa. Kadalasan ako ang dahilan kung bakit siya tumatawa ng ganun. Ngayon ganito na lang kaming dalawa. Singil. Bye. Bukas ulit. Nagumpisa na akong umalis pero tinawag ako ni June.


"August, may itatanong sana ako sa iyo."

"Ano yun?" Ano kaya ito? Parang ilang taon na kaming ganito eh ngayon lang siya nagtanong.

"Galit ka ba sa akin?"

"Sa iyo? Bakit naman?"

"Wala lang. Kasi parang ganito na lang tayong dalawa. Abot bayad. Bukas ulit. Kaya naisip ko ayaw mo lang ba akong kausap?"

"Di naman. Kaya lang pakiramdam ko kasi iba na ang mga interest mo ngayon. Baka wala na tayong paguusapan."

"Paano mo nalaman na ganun kung di mo nga ako kinakausap?"

"Ayan kinakausap naman kita ah. Labo mo."

Tumawa si June. Yung halakhak na sanay na sanay na ako pero di ko alam na hinahanap hanap ko din pala.

"Alam mo talaga kung paano ako patawanin. Bukas na lang ulit?"

"Sige." Sabay talikod para di niya makita na naaliw ako sa tawa niya.

No comments:

Post a Comment