"Mga Abnormal na tao sa MRT 2"
by:
Virgilio F. De leon Jr.
Sa araw araw na pagsakay ko sa MRT lalong nadaragdagan ang mahaba ko nang listahan ng mga abnormal na tao. Puwede na akong gumawa ng field guide tungkol sa mga ito kung gusto ko. Kamakailan lang eh boom na boom sa internet si Amalayer girl. Isang estudyante na nagreact sa ginawa ng guwardiya sa MRT medyo melt down mode ang dating niya sa kung anumang dahilan pero di ito abnormal , may mga araw lang talaga na parang di sumasangayon sa iyo ang kapalaran. Ang mga tunay na abnormal eh yung mga taong umaastang tanga sa kabila ng mga sitwasyon na di naman dapat sila tanga or talagang may angkin lang na kaabnormalan.
Abnormal sa turnstile...
Nung isang araw eh may nakasabay na naman akong isang Abnormal sa MRT. Sa isang normal na eksena eh labasan na ng mga tao sa turnstile dun sa Quezon Ave.(minsan eh dito ako bumababa para makasakay agad ng bus at di magastusan sa Trinoma). Ang mga normal eh mapapansing pumipila ng maayos sa mga turnstile na may ilaw na green. Nakaturo pa nga ang green na arrow kung saan ka dadaan at magpapasok ng card para ka makalabas ng istasyon.Ngayon eh mapapansin mo ang isang abnormal na parang may allergy sa pila ng mga tao. Pupunta siya dun sa isang turnstile na obvious na di gumagana ( kaya nga walang nakapila eh) at pilit niyang ipapasok ang kanyang card. Sa una magtataka siya kasi bakit yung sa iba kinakain ang card nila at nakakalabas sila. Tiningnan niya ng masama ang card niya na para bang ang laki ng kasalanan nito sa kanya. Pero ipipilit niyang ipasok ang card ng ilang beses hanggang sa makakapasok nga.(Sa loob loob ko dapat sa salamin siya tumingin ng masama at batukan ng malakaas sa noo kung sino man ang makikita niya dun)Ngayong nakapasok na ang card magtataka naman siya kung bakit di ito lumabas sa ibabaw ng turnstile at kung bakit di pa din siya makalabas. Galit siyang pupunta sa guwardiya. Galit talaga.Papalabas na ako kaya di ko na nasubaybayan ang drama...pero bahagya kong narinig ang sabi ng guwardiya..."Eh ang tanga mo pala eh"...Sumasangayon ako sa iyo Sir! Ala akong matawag sa taong ito kaya Unknown na lang.
Jaworski's
Isa pa sa mga napansin ko tulad ng mamang ito sa nauna kung kuwento eh di lahat ng Abnormal eh nasa loob ng train , yung iba lumalabas lang ang sakit pag nasa pilahan na o pasakay na ng escalator. Ang tawag ko sa kanila eh Jaworski's. Tulad ni Jawo eh para silang guwardiya sa basketball...binabantayan nila ang pila! May mga moves na pasimple. Kakaliwa ka , kakaliwa din sila , kakanan ka , kakanan din sila. Ang malupit pa minsan para silang may 6th sense kasi di sila nakitingin sa iyo pero kumakanan at kaliwa sila. Minsan nga eh mga lola pa ang matindi sa ganito. May pagka paranoid ang mga Jaworski na uunahan mo sila sa pila , iipitin at gigitgitin ka papasok ng inspection area ng guwardiya , escalator , elevator o kahit sa turnstile para di mo sila malampasan. At pag nalampasan mo sila ng di sinasadya eh sama lang ng tingin ang ibibigay nila sa iyo.Sinugatan mo ang kanilang pride.
Pong Pagong
Kilala mo sila. Sila ay kapit bahay niyo. Sa train. Ito yung mga taong alam naman na rush hour or talagang siksikan na sa mga train ay pilit na nagdadala ng malapang camping trip na mga bag sa kanilang likod. Kailangang dala nila ang bahay nila sa kanilang mga likuran palagi kasi baka may malimutan eh mahirap nang balikan.Ang mga taong ito eh parang pupunta ng African Safari at kulang na lang eh yung hat. Sila ang mga pong pagong. Ang numero unong problema lang naman sa kanila eh sa espasyo na kinakain nila at kapag ikaw ang malas na nasa likuran nila ang siguradong madudurog ka ng kanilang mga higanteng bag kapag na-out balance sila sa pagusad ng train , kung ikaw naman ang nasa harap nila eh masanay ka na na halos parang maghahalikan kayo sa closeness kasi tuwing may dadaan sa likod nila eh siguradong itutulak sila papunta sa iyo. Ok ito kung crush mo ang pong pagong. Pero lugi sa mga lalaki kasi puro pangit lang ang babaeng Pong Pagong na namamalagi sa train.
Ang isa pang ayaw ko sa mga Pong Pagong eh pag nabunggo ka nila eh parang wala lang. Isang beses sa kasamaang palad eh nasa likuran ako ng isa sa mga ito. Kada arangkada ng tren eh tinatamaan ako ng camping bag niya. Tinutulak ko siya papalayo sa akin siyempre , kaya nga ako lagi nasa gitna ng train pumupuwesto eh dahil ayaw kong nasisiksik. At imbes na humingi ng dispensa ang pong pagong eh nagalit pa kasi di tinutulak ko siya!!! Masikip daw sa train kaya dapat daw eh di ko siya tinutulak. Nasigawan ko tuloy ng: "Eh Pong Pagong ka pala eh , kung iniiwan mo yang bahay mo sa inyo eh di sana tayo siksikan dito!!!" Binaba niya ang bag niya sa sahig.Di na umimik , kamukhan ko siguro si Kiko pag galit ako.
Put your head on my shoulder moments...
Sa araw araw na pagsakay ko ng MRT eh dagdag pa rin ng dagdag ang mga abnormal sa train. Yung iba naman eh normal naman dapat kaso normal na normal silang inaantok at sa balikat mo sila nagdedesisyon na matulog. Kakaiba ang mga taong ito na kahit sa train eh nakakatulog , may iba na kahit sobrang himbing eh di nabubuwal or natutumba. Sumasabay ang mga katawan nila sa bawat kilos ng train. Parang bamboo sa bagyo. Kung meron mga taong One with the Universe sila naman ang One with the Train.Impressive.
Pero ang mga abnormal talaga eh yung mga taong nakakatulog pero unti unting sumasandal sa balikat mo , kasama na ang paghilik at paglalaway nila habang natutulog. Isang beses pauwi na ako ng umaga eh may nakatabi ako na matabang lalaki (triple ko na ang laki kaya malaki na talaga) yung parang Jabba Hutt Jr. ang dating. Pagnakakatulog siya eh parang slow motion na pumupunta ang ulo niya sa balikat ko. Tatapikin ko. Magigising at magsosorry. So ok lang. kaso parang nakakalimang beses nang ganito kaya ang ginawa ko nung huli eh ang ginawa ko hinuli ko ang timing at bago siya makasandal sa balikat ko eh tumayo ako. Kaya si Jabba Hutt Jr. eh biglang natumba patagilid. Nakatulog pa din. Hinayaan ko na lang.
Di na talaga yata sila mauubos. Parang Pokemon sa dami at alam ko na marami pa akong makakasalubong na Abnormal sa MRT.Minsan nakakatawa. Kadalasan nakakainis. Pero ganyan lang talaga ang buhay.Puno ng mga karakter na ayaw mong makasalubong pero nakakasalubong pa din.
No comments:
Post a Comment