Mga Regalo ng Ngayon, Nakaraan at Hinaharap...
Ni:
Virgilio F. De leon Jr.
Nung bata pa ako...kadalasang masaya na malungkot ang mga kaarawan ko. Siguro simula sanggol ako hanggang sa edad na sampu eh Ospital ang lagi kong pinatutunguhan pagsapit ng bagong taon. Iba rin talaga kapag may hika ka nung mga panahong yun. Lason ang hangin kapag bagong taon at isang linggo rin ang itinatagal ko sa Childrens Hospital sa Banaue. Enero 4 ang birthday ko na ipinagdiriwang namin ng cake at oxygen mask sa maliit kong kuwarto. Malungkot di ba? Pero masaya din kasi kasama ko ang nanay ko at marami kaming pinagkuuwentuhan. Palagi din akong dinadalaw ng Ninong ko na sa Dr. Firmalo at walang paltos na may regalo ako. Kung ano ang mainit na laruan nun sure na sure ang regalo ko kung si He-man yun , panigurado si He-man ang matatanggap ko.
Habang tumatanda ako at gumaganda na ang takbo ng mga baga ko(marunong nang magtago ng senyales ng hika sa magulang) eh napagiisip ko na lugi ata ako sa mga regalo. Kasi nga naman may mga kamag-anak ,kaibigan at mga ka-ibigan ako na naiisipang magbigay na lang ng mga regalong 2 in 1 or 3 in 1. Tama...parang kape ang regalo nila. Pang pasko na , pang birthday ko pa at pang monthsary pa or anniversary pa or pang 3 Kings. Kung yung iba medyo spread out ang mga importante nilang dates sa isang taon kaya puwedeng every other month may gift , ako eh isang gift lang sa isang taon. Pakyawan na ika nga. Reklamo ako ng reklamo pero ako talaga ang may pinakamaraming regalo na pinagisipan talagang ibigay sa akin ,Libro na gusto ko o Cards na gusto ko or Matitibay na bag at Matitibay na damit...kilala kasi ako ng mga taong nakapaligid sa akin...
Ito ngayon at tumanda na naman ako ng isa pang taon nadagdagan na naman ng isa pang puting buhok na kaalaman ang medyo dumadami nang puting buhok ( premature aging pero di halata). Ang mga regalo eh kaunti na lang pero simple at medyo malalim kung tumama sa puso ko. Pinakamatindi na siguro ang Handmade card ng anak ko na Si Aven.
Sa isang banda , nakalagay sa sulat kamay niya ang "I love you Daddy." Sa isang parte ng card may nakadikit na pulang papel. "Read mo po" ang nakasulat sa may arrow na nakatutok sa pulang papel. May mensahe pa sa ilalim.
"Daddy Im sorry di ko mabibili yung Miami Heat na Notebook na nakita ko sa National Bookstore for you,wala po kasi ako pera pero soon po bibilhin ko sa iyo yun."
Naiiyak na naman ako.Kilala kasi ako ng anak ko , alam niyang mahilig akong magsulat at paboritong team ko ang Miami. Sinabi ko sa kanya na kahit na di na na niya mabili eh masaya na ako.
Ngayon di na ako nagrereklamo sa birthday ko. Simula pa lang ng taon may nagbibigay na ng matinding saya sa akin na dadalhin ko hanggang sa dulo ng taon. Isama pa dito ang mga pamilya ko at mga kaibigan na di nakakalimot. Panimula pa lang panalo na.
No comments:
Post a Comment