Wednesday, February 17, 2016

"Sa Mundo ng mga Yawa"


"Sa Mundo ng mga Yawa"
ni:
Virgilio F. De leon Jr.

Nakakapagod nang tumakbo. Araw araw na lang mula pagsikat ng araw hanggang sa pagkagat ng dilim wala na kaming ginawa kundi tumakbo ng tumakbo. Walang ligtas na lugar kung kaya't palipat lipat kami ng taguan.Di matapos tapos na paglikas ang nangyayari. Sadyang ganun lang talaga kung ang naghahari sa mundo mo ay mga yawa.

Yawa.Patay na buhay. Zombie. Mas madali yatang sabihin ang yawa kaysa zombie kaya dito sa amin ay mga yawa ang tawag sa kanila at di ba totoong mga peste talaga sila? Sa kahayukan nila sa laman ay nasakop na nila ang buong isla. Ang hindi nila nauubos kainin ay nagiging Yawa din. Paunti ng paunti ang mga normal samantalang sila naman ay tuloy tuloy na dumarami. Bakit? Ang iniisip ng iba ay ito na ang huling paghuhukom sa tao. Ang mga pesteng ito ang bagong alon na lalamon sa atin upang may mga bagong nilalang na masilang sa ating lugar. Hindi na tao ang mamumuno kundi ang mga yawa. Marami sa aking mga kababayan ang taos pusong yumakap sa pagpataw ng parusang ito dahil sila daw ay makasalanan at kailangan masilang na muli.

Kabaliwan ang tawag ko doon. Di ko kailanman tatalikuran ang buhay. Mas masarap huminga. Mas masarap maamoy ang sariwang hangin kahit na meron itong halong amoy nang naagnas na laman. Sa tingin ko tuwing ako ay naduduwal sa amoy na iyon ay nananatili pa din akong tao. Nakakaramdam pa din ng mga normal na bagay. Nandidiri. Naduduwal. Natatakot. At dapat lang talaga silang katakutan. May mga hangal na pinagtatawanan ang mga yawa dahil napakabagal naman daw nila maglakad. Kayang kayang ikot ikutan lang. Ayos lang yan kung paisa isa pero pagka nakasalubong ka na ng isang daan o isang libo at sabay sabay silang pilit na umaabot sa iyo dahil nagugutom sila. Sigurado di ka na makakatawa. Magiging tao ka ulit. Makakaramdam ka din ng takot. Tatakbo ka kahit na may dala kang baril o kutsilyo o baseball bat. Pag narinig mo ang ungol nila kahit na sa unang oras pa. Maramramdaman mo ang kaba. 

Sa isang banda ay maganda ang ganun. Normal lang na tumakbo ka sa mga bagay na makakapahamak sa iyo. Pero sa ilang linggo ng kaguluhang ito may mga nakikita akong nagwawala sa kalye na para bang wala nang bukas. Minsan isang magtatay ang nasukol ng mga yawa. Nakagat ang batang babae sa balikat. Naghurumintado ang kanyang ama , dala ang gulok ay pinagtatagpas ang mga nakapaligid na yawa sa kanila. Dala ng kanyang galit ay naubos niya ang lahat. Marahil dala din ng kanyang galit ay di niya napansin ang anak niyang naging yawa na kumagat sa tiyan niya. Nasa taas ako ng isang puno ng mga oras na yun , malaking tulong sana kung naubos din yan ang mga yawa sa ibaba ng pinagtataguan ko kaso naunahan siya ng kanyang anak. Napailing na lang ako sa aking sitwasyon. Gustuhin ko mang tumulong eh malamang ako din ang magiging pagkain ng mga yawa.

Nakakapagod nang tumakbo pero kailangan. Ikaw na nakakabasa nito ngayon dapat ay di ka tumigil. Malamang malapit na din sila. Bitawan mo na ito. Tumakbo ka na. Bilis.

No comments:

Post a Comment